Florante at Laura
Pag-aalay kay Selya
Makalumang pagkakasulat
CAY CELIA
Cong pag saulang cong basahin sa isip
ang nañgacaraang arao ñg pag-ibig,
may mahahaguilap cayang natititic
liban na cay Celiang namugad sa dibdib?
Yaong Celiang laguing pinañgañganiban
baca macalimot sa pag-iibigan;
ang iquinalubog niyaring capalaran
sa lubhang malalim na caralitaan.
Macaligtaang co cayang di basahin
nagdaáng panahón ñg suyuan namin?
caniyang pagsintáng guinugol sa aquin
at pinuhunan cong pagod at hilahil?
Lumipas ang arao na lubhang matamis
at ualáng nátira condi ang pag-ibig,
tapat na pag suyong lalagui sa dibdib
hanggang sa libin~gan bangcay co,i, maidlip.
Ñgayong namamanglao sa pañgoñgolila
ang guinagaua cong pag-alio sa dusa
nag daang panaho,i, inaala-ala,
sa iyong laraua,i, ninitang guinhaua.
Sa larauang guhit ñg sa sintang pincel
cusang ilinimbag sa puso,t, panimdim,
nag-íisang sanláng naiuan sa aquin
at di mananacao magpahangang libing.
Ang caloloua co,i, cusang dumadalao
sa lansañga,t, náyong iyóng niyapacan
sa ilog Beata,t, Hilom na mababao
yaring aquing puso,i, laguing lumiligao.
Di mámacailang mupo ang panimdin
sa puno ñg mangang náraanan natin,
sa nagbiting buñgang ibig mong pitasín
ang ulilang sinta,i, aquing ináaliu.
Ang catauhang co,i, cusang nagtatalic
sa buntong-hiniñga nang icao,i, may saquit,
himutoc co niyao,i, inaaring Lañgit
Paraiso namán ang may tulong silíd.
Liniligauan co ang iyong larauan
sa Macating ilog, na quinalagui-an
binabacás co rin sa masayáng dooñgan,
yapac ñg paá mo sa batóng tuntuñgan.
Nag babalíc mandi,t, parang hinahanp
dito ang panahóng masayáng lumipas
na cong maliligo,i, sa tubig áagap,
nang hindi abutin ñg tabsing sa dagat.
Parang naririñgig ang laguî mong uica
"tatlong arao na di nag tatanao tama"
at sinasagot co ng sabing may touâ
sa isa catauo,i, marami ang handa.
Ano pañga,t, ualang dî nasisiyasat,
ang pagiisipco sa touang cumupas
sa cagugunitâ, luha,i, lalagaslás
sabay ang taghoy cong "¡ó, nasauing palad!"
Nasaan si Celiang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami,i, baquít dí lumauig?
nahan ang panahóng isá niyang titig
ang siyang búhay co, caloloua,t, Lañgit?
Baquit bagá niyaóng cami mag hiualay
ay dîpa naquitil yaring abáng búhay?
con gunitain ca,i, aquing camatayan,
sa puso co Celia,i, dica mapaparam.
Itong dî matiis na pagdaralitâ
nang dahil sa iyo, ó nalayóng touâ,
ang siyang umacay na aco,i, tumulâ
auitin ang búhay nang isang na abâ.
Celia,i, talastás co,t, malabis na umid,
mangmáng ang Musa co,t, malumbay ang tinig
di quinabahag-yâ cong hindí malait
palaring dinguin mo ng tainga,t, isíp.
Ito,i, unang bucal nang bait cong cutad
na inihahandóg sa mahal mong yapac
tangapin mo nauâ cahit ualang lasáp
nagbúhat sa puso nang lingcód na tapát.
Cong casadlacán man ng pula,t, pag ayop
tubo co,i, daquila sa puhunang pagod,
cong binabasa mo,i, isá mang himutóc
ay alalahanin yaríng nag hahandóg.
Masasayáng Ninfas sa laua nang Bay,
Sirenas, ang tinig ay cauili-uili
cayó ñgayo,i, siyang pinipintacasi
ñg lubháng mapanglao na Musa cong imbi.
Ahon sa dalata,t, pangpang na nag liguid
tunuhan nang lira yaring abáng auit
na nag sasalitáng búhay ma,i, mapatid,
tapát na pag sinta,i, hañgad na lumauig.
Icao na bulaclac niyaring dili-dili,
Celiang saguisag mo,i, ang M. A. R.
sa Virgeng mag-Iná,i, ipamintacasi
ang tapát mong lingcód na si F. B.
Makabagong pagkakasulat
Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig,
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Selyang namugad sa dibdib?
Yaong Selyang laging pinapanganiban,
baka makalimot sa pag-iibigan;
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.
Makaligtaan ko kayang 'di basahin,
nagdaang panahon ng suyuan namin?
kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?
Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.
Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pang-aliw sa dusa,
nagdaang panaho'y inaalaala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.
Sa larawang guhit ng sintang pinsel,
kusang inilimbag sa puso't panimdim
nag-iisang sanlang naiwan sa akin,
at 'di mananakaw magpahanggang libing.
Ang kaluluwa ko'y kusang dumadalaw
sa lansanga't ngayong iyong niyapakan;
sa Ilog Beata't Hilom na mababaw,
yaring aking puso'y laging lumiligaw.
'di mamakailang mupo ng panimdim
sa puno ng manggang naraanan natin;
sa nagbiting bungang ibig mong pitasin,
ang ulilang sinta'y aking inaaliw.
Ang katauhan ko'y kusang nagtatalik
sa buntung-hininga nang ika'y may sakit,
himutok ko noo'y inaaring-langit,
paraiso naman ang may tulong-silid.
Nililigawan ko ang iyong larawan
sa makating ilog na kinalagian;
binabakas ko rin sa masayang do'ngan,
yapak ng paa mo sa batong tuntungan.
Nagbabalik mandi't parang hinahanap,
dito ang panahong masayang lumipas;
na kung maliligo'y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.
Parang naririnig ang lagi mong wika:
"Tatlong araw na 'di nagtatanaw-tama,"
at sinasagot ko ng sabing may tuwa-
"Sa isang katao'y marami ang handa."
Anupa nga't walang 'di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas;
sa kagugunita, luha'y lagaslas,
sabay ang taghoy kong "O, nasawing palad!"
Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib?
Ang suyuan nami'y bakit 'di lumawig?
Nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluta't langit?
Bakit baga ngayong kami maghiwalay
ay dipa nakitil yaring abang buhay?
Kung gunitain ka'y aking kamatayan,
sa puso ko Selya'y, 'di ka mapaparam.
Itong 'di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, o nalayong tuwa,
ang siyang umakay na ako'y tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.
Selya'y talastas ko't malalim na umid,
mangmang ang Musa ko't malumbay na tinig;
'di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ng tainga't isip.
Ito'y unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal mong yapak;
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.
Kung kasadlakan man ng pula't pag-ayop,
tubo ko'y dakila sa pahunang pagod;
kung binabasa mo'y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.
Masasayang Ninfas sa lawa ng Bai,
Sirenas, ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayo'y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na Musa kong imbi.
Ahon sa dalata't pampang na nagligid,
tonohan ng lira yaring abang awit
na nagsasalitang buhay mo'y mapatid,
tapat na pagsinta'y hangad na lumawig.
Ikaw na bulaklak niring dilidili,
Selyang sagisag mo'y ang MAR
sa Birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si FB